10 January 2017
INTERVIEW TRANSCRIPT

STATION: DZRH
PROGRAM: DAMDAMING BAYAN
ANCHOR: JOE TARUC

 

     
 

JOE TARUC (JT): Ngayong umagam panauhin natin si Senator Chiz Escudero, chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions, and Currencies. Hello Senator, magandang umaga po!

SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Manong Joe, magandang umaga sa inyo at sa ating mga listeners, magandang umaga po. Good morning!

JT: Magandang umaga at happy new year. Biruin ninyo, new year na new year ang pag-uusapan natin ay tax, Senator.

CHIZ: Magandang pagbati din sa pagpasok ng bagong taon, Manong Joe at sa ating mga listeners, sana huwag maipasa 'yan para hindi maging masama ang bagong taon na ito para sa ating mga kababayan.

JT: Oo. Ngayon pa lang ay matindi na ang mga usapan tungkol dito sa possible implementation ng excise tax para dito sa diesel at iba pang fuel products.

CHIZ: Well, hindi ko masisisi ang sinumang gobyerno na magsulong palagi ng panibagong mga panukalang batas para sa buwis. Subalit, may malaking subalit, marami muna silang dapat na malampasan na katanungan at ipaliwanag ang mga kasagutan. Una, bakit ba nila kailangan ng pera? Kalahati ng taon ang administrasyon ni Pangulong Duterte, 'yung naunang bahagi ng taon na 'yun kay Pangulong Aquino, mag-iisang trilyon ayon sa computation namin sa minoriya ang hindi nagastos sa taong 2016. So, paano nila masasabing kailangan nila ng pera? Halimbawa po, ang calamity fund ng gobyerno para sa taong 2016, umabot ng mahigit tatlumpung bilyon. Ang nagastos yata nila, Manong Joe, ay maglilimang bilyon lang, so may naiwan pa silang dalawampu't limang bilyon mula sa taong 2016 na carryover sa taong 2017.

JT: Ano po ang ibig sabihin non, balik sa general fund 'yung naturang mga pondo?

CHIZ: Valid po, Manong Joe, for two years 'yung budget noong 2016. So, ibig sabihin nun may Php25-B pa sila na carry-over sa 2017. Naglaan pa kami ng mahigit Php30-B na naman, so may kulang-kulang Php60-B na Calamity Fund ang gobyerno. So, ang tanong ko, saan kailangan at anong pagkakagastusan ng buwis na gusto nilang ipataw muli sa atin?

JT: 'Yan po ang binabanggit namin Senator. Bakit kailangan na magpataw tayo ng ganito kabigat ng buwis halimbawa na 'yung sinasabi nilang excise tax para sa diesel, lubhang napakalaki at lalong napakalaki ang chain reaction na lilikhain nito. Pagkat kapag diesel ang pinatungan mo Senator, halimbawa na lang sampung piso kada litro, aba'y tuloy na tuloy ang chain reaction. 'Yung presyo ng bilihin tataas sigurado 'yan at ganoon na din 'yung pa-sweldo na hihingin ng ating mga manggagawa, and so on and so forth.

CHIZ: Manong Joe, alam niyo narinig ko na ang argumento ng ilang opisyal ng Department of Finance. Sabi nila, meron daw silang study na nagsasabi na mas maraming mayaman ang nakikinabang sa gasolina at krudo kaysa mahirap. Ang tingin ko, dinivide nila 'yun per capita. Kung ang bus ay gumagamit ng diesel, idi-divide nila yun, mas maliita nga naman ang pakinabang ng mahirap kaysa mayaman dahil ngayon may Mercedes at BMW na diesel na rin. Pero ang hindi nila maunawaan, itong binabanggit nga po ninyong chain reaction, alam naman po natin 'yung mga paninda na kapag 'yan ay tumaas na, hindi na 'yan bababa kahit na bumababa na ang presyo ng gasolina.

JT: Tama po, totoo ho 'yun. Bukod rito pati na yung sweldo ng ating mga manggagawa ay kakapusin na kapag nagtaasan ang presyo, hindi lamang presyo ng mga produkto kundi pati ng serbisyo.

CHIZ: Pati na rin po Manong Joe pagdating sa presyo ng kuryente, magtataas narin po dahil kailangan din po niyan ng diesel at ng gasolina. At gaya nga ng sabi niyo, chain reaction na po talaga 'yan. At kapag 'yan po ay itinuloy talaga nila, tingin ko po ay 'yung pagbabagong makikita natin ay hindi tungo sa bagong direksyon.

JT: Kumbaga parang ibabalik ko po ulit yung una niyong katanungan. Mayroon ho ba kayong pangangailangan para magpataw ng ganyang kabigat sa ating mga kababayan, para iparanas natin sa kanila itong bigat ng pamumuhay dito po sa ating bansa?

CHIZ: Tama po kayo, Manong Joe. At saka dagdag pa doon, 'yung pangalawang tanong, nakolekta na ba ninyo lahat ng pwedeng makolekta? Si Pangulong Duterte, nakatutok pa lamang sa laban sa droga. Paano naman 'yung laban sa katiwalian at sa korapsyon? Alangan naman bigla na lang natakot magnakaw 'yung mga taga-Customs at Bureau of Internal Revenue (BIR), Manong Joe? Sigurado akong meron pa rin. Pero wala pa hong nahuhuli, wala pang napapanagot, at wala pa pong dagdag-koleksiyon na naipapakita ang mga bagong opisyal natin ng customs at ng BIR.

JT: OK, 'yung tungkol parin dito sa pagpapataw ng buwis na ito, medyo ang pagkakaunawa ko dito Senator Chiz, 'yung gasolina nagkaroon ng Excise Tax noon kasi nga ang paniniwala ay 'yung mga mayayaman lang ang gumagamit ng kotse, hindi maaapektuhan ang mga mahihirap. Ngayon, ang kanilang ikinakatwiran masyadong napagiiwanan na daw 'yung presyo ng diesel. Kaya kinakailangan, dito magkaroon ng shifting ang gobyerno.

CHIZ: Manong Joe, hindi naman po 'yan dapat pinapantay. Hindi po dapat pinapantay ang Excise Tax sa diesel at sa gasolina. Alam niyo may isa pang ipinanukala noon at ang sinasabi nila (inaudible) na kapag mataas ang presyo ng gasolina, dapat 'yung buwis ay bumaba. Kapag mababa ang presyo ng gasolina (inaudible).

JT: Hindi, 'yung OPSF noon kapag tumataas ang world market price ng krudo, nagwi-withdraw tayo noon dito sa OPSF para yung domestic prices hindi apektado.

CHIZ: Tama kayo Manong Joe, pero dahil hindi naman maibabalik na 'yun, dapat 'yung tax natin ay parang closing rates kumbaga. Ibig sabihin, kapag mataas yung presyo at nag-Excise Tax ka, hindi naman pwedeng parang tumama sa lotto ang gobyerno na napakalaki ng buwis na makokolekta nila, ni hindi nila prinoject 'yun, ni hindi nila inasahang kokolektahin 'yun dahil may mga assumptions

JT: Kaya nga ang una kong itinanong, sa laki ng pondo na makukuha na makokolekta ninyo, kaya ba ninyong ubusin 'yang naturang pondo. Sapagkat yung pondo natin last year, nakita natin kung gaano kalaki 'yung hindi nagamit na pondo.

CHIZ: Tama ka, Manong Joe, 'yun nga ang pangunahing tanong ko. At higit pa doon, Manong Joe, paano naman ;yung dagdag gastos na kukunin lamang ninyo mula sa amin. Sa totoo lang Manong Joe, mas alam ng tao – ni Juan dela Cruz, kung paano gagastusin ang pera niya kaysa ang gobyerno. At kapag dumaan pa sa kamay ng gobyerno kung saan may kaltas at bawas pa, Manong Joe.

JT: Ay, 'yun ang ikinatatakot ng ating mga kababayan. Bakit naman kukunin ninyo, hindi pa naman kailangan? Pagkatapos in the end ang pag-uusapan dito ay kung sino ang may kasalanan at hindi nagamit 'yang naturang mga pondo.

CHIZ: Tama kayo, Manong Joe. Uulitin ko, sa computation namin sa minoriya sa Senado, kulang-kulang Php1-T pa ang hindi nila nagagastos. Halos one-third Manong Joe ng National Budget 'yon. Bilang halimbawa, karamihan ng mga projects ng DILG, ng DOST noong nakaraang administrasyon ay pinasa nila sa DBM, sa procurement service ng DBM. Sa libro nila obligated na 'yun. Pero sa totoo lang, hindi ko nabid-out ng DBM 'yon, kaya 'yung pera nanatili lamang sa treasury. Baka nga mas malaki pa sa Php1-T kung hindi nagastos sa taong 2016.

JT: Pero nang talakayin po ba itong budget for 2017, nabusisi po ba ng todo ito at naisulit po ninyo sa mga opisyal kung anu-ano ang nangyari sa 2016 budget at 'yung hinihingi nila for 2017.

CHIZ: Naipaalala lang po sa amin Manong Joe, maayos din namin nabigyan ng pagkakataon ng pagpasok ng budget ng bagong administrasyon na budget naman nila 'yung kanilang ipapatupad at hindi budget ng nakaraang administrasyon. May mandatong ibinigay sa kanila para patunayan nila at ibigay ang mga ipinangako nila at iyon yung ang pagkakataong binigay namin sa kanila. Nagkakasingilan kami Manong Joe siguro pagdating sa deliberasyon ng budget ng 2018 dahil mahigit isang taon by that time na sila ay manungkulan para patunayan nila ang kanilang mga sinasabi at kung may pagbabago nga ba o wala.

JT: Ito nag datingan ang mga text messages natin, Mr. Senator.

CHIZ: Opo.

JT: Meron pong nagtatanong dito ang sabi bakit kolekta tayo ng kolekta ng buwis 'yung benepisyo na dapat pagtibayan sa mga pensyonado wala daw mapagkunan.

CHIZ: Kaakibat niyan Manong Joe, ang pensyonadong binabanggit niya ay GSIS, SSS ay nagmumula sa kontribusyon po ng mga miyembro pero kung kinakapos at hindi pa naman nangyayari awa ng Diyos ay kailangan po mag-appropriate ang gobyerno mula sa taxpayers money. Pero hangga't po maari doon mismo manggagaling 'yan sa kontribusyon ng mga miyembro o tamang ng investments ng SSS o GSIS para maibigay nila yung pinangako nilang mga pensyon.

JT: Kaya nga ho maraming nagtataka ito po ay isa sa pangunahing pangako na nahalal na pangulo at dito ay dapat hindi na humahaba ang usapan para maipagkaloob na ito ay priority talaga at ipinangako. Mabuti pa 'yung ibang priorities napag uukulan ng pansin; pero itong ipinangako sa mga senior citizens ay dapat nararanasan na nila 'yung mga benepisyo para dito. 'Yung iba nga nag-aalala sila baka hindi na nilang maabutang buhay 'yung pagkakaloob nitong kanilang pensyon.

CHIZ: Manong Joe, nagulat din nga ako duon sa naging pag-aantala sa pagpirma ng panukalang batas na 'yan. Kontrolado ni Pangulong Duterte ang Kamara at ang Senado kaya napakadaling naipasa yan ika nga maski hindi totoo yung dalawang libo maski na isang libo lang basta totoo; OK na rin. Subalit hindi ko maintindihan kung bakit nagbago ang tono at tugtugin at tila medyo biglang nagbabago ang isip ng Administrasyon.

JT: Parang may nagpapaliwanag din sa Pangulo na dapat ay humarap din sa tao. Sapagkat dito nagtataka ang ating maraming kababayan ang kanilang pinangangamabahan sabi nila baka raw maubos daw ang pondo o kung anu-ano. Aba'y kapag maubos ang pondo at binigyan niyo ng appropriation.

CHIZ: Tama po 'yun' hindi ko maintindihan kung bakit ipinangako noong kampanya.

JT: Tama.

CHIZ: Unang-una, ang tono't tugtog dapat pareho noong panahon ng kampanya at ng panahong ika'y nabigyan ng pagkakataon parang manungkulan.

JT: 'Wag sasabihin yung candidate Duterte atsaka President Duterte ay magkaiba.

CHIZ: Actually, hindi rin maganda sa landing sa tenga ko iyon ng marinig ko iyon Manong Joe. At kung ganun man yun hindi na po siguro dapat nagsasabi ng ganoong kabulgar dahil masakit naman po talaga sa tenga pakinggan kumbaga parang nambola lang nung eleksyon at nung nakaupo na nakitang hindi pala kaya hindi na ho gagawin.

JT: Pwede kung gugustuhin. Ibig niyong sabihin pupwede kung talaga right then and then ipag-uutos na agad ang pagbibigay.

CHIZ: Actually, pinasa na po namin ang batas Manong Joe. Pipirmahan na lamang po ni Pangulong Duterte subalit pag-aaralan pa nga raw po nila. At medyo realistic pa nga 'yung pinasa ng Kongreso hindi po talaga Php2000; Php1000 muna dahil mas kakayanin po 'yun ng SSS ng pondo sa ngayon.

JT: Ngayon, 'wag ho natin pangunahan Senator baka matapos sa haba ng kanilang cabinet meeting ay baka natalakay na ng todo ito at pagpasyahan ng Pangulo.

CHIZ: Baka biglang gawin na dalawang libo dahil pwede naman nila gawin 'yun.

JT: Naku, maraming magpapasalamat kung gagawing Php2000.

CHIZ: Kung ganoon po ang mangyayari basta kaya ng pondo at base po sa pag-aaral po namin, ang Php1000 ay kaya.

JT: Siguro dapat lang sa pangulo 'yung mga advisers na nakapaligid, halimbawa ilang sektor 'yan kung apat, lima aba'y medyo tingnan ninyo mabuti ang mga pina-panukala at tingnan natin kung alin ang higit ng makabubuti dito sa pinapayagan ng ibang sektor.

CHIZ: Manong Joe, nakita na po natin nangyari yan sa administrasyon ni Pangulong Aquino. Ang administrasyon ni Pangulong Aquino ay may pinaka maraming panukalang batas na vineto dahil sa kakulangan ng koordinasyon ng PLLO, Presidential Legislative and Liason Office at ng Kongreso. Sana naman 'wag na po 'yan maulit sa administrasyon ni Pangulong Duterte dahil nung pinasa na po namin ito alam naman ng PLLO 'yan, ang lider ng Kamara, ang lider ng Senado pareho niyang kapartido siguro konting usapan lang 'yun. Pwede na masabi na, ito ipasa niyo at pipirmahan namin; ito ipasa niyo hindi namin ito pipirmahan sayang lang ang oras niyo rito baka gusto niyo pag-aralan pa muna o pag-usapan muna natin para hindi naman po sayang ang pera ng bayan sa oras na ginugugol namin sa pagpasa ng panukalang batas na ive-veto lang pala pagdating sa dulo.

JT: Meron po ba kayong ideas Mr. Senator kung magkano ang ginagastos ng gobyerno sa pagpapatibay ng isang panukalang batas.

CHIZ: Depende 'yan Manong Joe, sa bilang po ng batas. Halimbawa, ang Kongreso maraming batas na ipinasa local man o national. Ang budget po ng Kongreso kung hindi ako nagkakamali nasa 8bilyon. Ang Senado mga ganun din doble ata ang House of Representatives. So idi-divide po natin 'yun sa bilang ng batas na naipasa nila sa taong 'yun; iyon ang lalabas na cost sa pagpasa ng kada batas. Pwede ko ibigay sa inyo Manong Joe ang datos sa sunod natin magkausap o ipapadala ko na lang po sa inyo.

JT: OK Senator, ito po ba ay isang bagay na gusto nating malinawan mula sa inyo na ilan ninyong mga kasama sa Senado nagsasabi na napakalaki ng halaga ng pondo ay nailipat sa pork barrel sa Kamara de Representantes gusto ho niyo ba mag comment tungkol dito.

CHIZ: Manong Joe, ang depenisyon ng pork barrel ng mga congressman at senador ay iba-iba. Pagka dinikta ng congresman ay pork barrel na raw 'yun. Pero ayon sa Korte Suprema kapag kinangailam na ang congressman o senador matapos ipasa ang budget doon nagiging pork barrel ang pondo. Pero kapagka ang isang Kongresman o Senador nagpanukala ng amendment sa pino-propose na budget ng executive hindi po pork barrel 'yun ayon sa Korte Suprema. Pinag-uusapan nga duon na may ilang daang milyon kada senador, Manong Joe. Sa akin nag-propose ako sa mga amendments na pino-propose ko Manong Joe kahit pasan ng isang bilyon ang Calamity Fund, ilagay sa premium pambayad ng premium para sa insurance coverage sa pamamagitan ng GSIS; ang lahat ng school buildings sa Eastern Seaboard ng ating bansa na madalas dun dumadaan ang bagyo panukala ko iyon.

JT: Eye-opener ito, wala palang insurance ang ating mga school buildings, Senator.

CHIZ: Wala po Manong Joe.

JT: Kaya tuwing nagkaroon ng bagyo, sa tuwing magkakaroon ng kalamidad, evacuation centers kung hindi napipinsala aba'y wala palang insurance 'yan.

CHIZ: Wala po Manong Joe at matagal ko na pong ina-allocate 'yan ngayon lamang tayo nagkaroon ng tinatawag nilang parametric insurance. Ibig sabihin po Manong Joe, hindi kailangan i-reevaluate 'yung value ng kada school buildings kasi may Marcos type tayo, may JICA tayo. 'Yung presyo po niyan iba-iba. So by the time i-inspect na po lahat niyan may nagawa na pong bagong school building na may tumama ng bagyo na nasira na 'yung dati. 'Pag may bagyo na namang tumama by the time na ininspect nap o lahat ng damage ay isang taon na rin po lumipas. Ito pong parametric insurance ang sinasabi po nito naka base po to sa signal ng bagyo kung signal number one at Php1-B po ang premium natin, magre-release po ang GSIS. of course, re-insured po iyan sa ibang insurance company abroad. Magbabayad po sila ng Php2.5-B. Kapag signal number 2, halimbawa lamang iyong mga figures na ito Manong Joe ay magbabayad sila ng limang bilyon. Kapag signal number 3 or higher, magbabayad po sila ng sampung bilyon. No questions asked, walang adjuster, walang mag-e-evaluate. Ire-release nila sa ahensiya na siyang magre-repair ng ma school buildings natin.

JT: Biruin ninyo Senator, nakakaranas tayo ng 19 hanggang 20 bagyo. Ano ho? At taun-taon, I don't know kung mayroon kayong statistics, kung magkano ang gastos natin sa kalamidad at napinsala dala ng mga bagyo?

CHIZ: Tama ka Manong Joe, sa mga school buildings pa lang ay nag-aalocate tayo ng Php6-B kada taon para sa repair lamang. Iyong mga nasira noong nakaraang bagyo, hindi iyong bagyo ng kasalukuyang taon. Halimbawa Manong Joe, iyong panukala o ammendments isang bilyon at paano iyon, lahat ba ng lugar hindi na pork barrel iyon? Kapag doon ba sa lugar mo, pork barrel na bigla iyon? E, hindi ba iyon ang trabaho ng ating mambabatas, kumuha ng pondo para sa lugar nila para umayos at gumanda ang kanilang lugar. Magkaroon sila ng ospital, kalye, eskuwelahan, o anumang pasilibilidad. Trabaho po ng kanilang mga kinatawan po iyon sa kongreso.

JT: Nabigla din ako sa ibinunyag ni Senator Ping Lacson na sinasabing nasingitan ng pork barrel nang wala tayong kamalay malay, iyong mga pork barrel ng ilang mga kongresista. Hindi naman lahat ano ho, kung hindi iyong mga lider ng kongreso nagkaroon ng pork barrel to the tune of Php5-B kada isa at iyong iba naman ay Php1.5-B, depende sa posisyon.

CHIZ: Hindi ko alam iyong allocation na iyon, Manong Joe.

JT: Samantalang ang ilang senador, Php300-M lang, ano ho?

CHIZ: Manong Joe, kapag ang amendment nga sa distrito man niya iyan o sa probinsiya man iyan o kung saan man. Kapag ang amendment ay bago maipasa ang budget, ayon sa Korte Suprema, hindi po iyan saklaw ng ipinagbabawal nilang depenisyon ng pork barrel. Pero kung ang kongresman o ang senador ay nakialam sa pagpapatupad ng pondong inilagay nila, ano man ang pakikialam nila, pork barrel nang maituturing iyon at bawal po iyon.

JT: Siguro, babagsak iyon sa pork barrel ano ho? Kasi ang mga proyekto na iyon ay doon naman sa mga distrito nila nakatalaga at alam naman natin na ang distrito ng mga kongresista ay mayroon lamang na ina-accredit na contractor na maaring gumawa. Hindi maaring pasukin ng kung sinong grupo.

CHIZ: Actually Manong Joe, mahihirapan rin silang gawin iyon ngayon dahil magkabilang isyu iyan Manong Joe. Medyo mahaba lamang kung mauuwaan ninyo ang isyu. Binuksan na nila iyong bidding, ibig sabihin kahit iyong contractor sa Batanes, puwedeng magbid ng project sa Batangas. Kahit contractor sa Cagayan, puwedeng mag-bid ng contractor.

JT: Ngayon?

CHIZ: Cagayan Valley, pwede na pong mag-bid ng kontrata sa Cagayan De Oro.

JT: Ngayong panahon po iyon, Senator?

CHIZ: Ngayon po iyan. Opo. Ang problema naman doon Manong Joe, kung maliit iyong project, sa sahod lamang po iyon. Hindi po na kailangang ipatupad, lugi ka.

JT: Tama.

CHIZ: So, nalilimitahan talaga iyong mga nagbi-bid talaga doon sa mga nangongontrata sa lugar within the same region, at least. Dahil nandoon ang equipment nila so mas kaya nilang mag-mobilize. Ang iba ginagawa, Manong Joe, ay bid lang ng bid. Lowest bidder sila, sahod lang nang sahod.

JT: Tapos subcontracting naman ang gagawin?

CHIZ: Tapos isa-subcon po sa ibang tao minsan hindi mai-implement ang ibang proyekto. Kapag kinansela ang kontrata, mag-TRO sila, rason na naman para magkaroon ng underspending ang gobyerno.

JT: Siyempre iyong iba, hindi naman lahat, may mga legislators tayo ay iyan ang pinanghahawakan kaya kumakandidato. Biruin mo, sa isang distrito halimbawa ang pupuwede lamang gumawa dito ay accredited na mga contractor mo hindi naman maaring pasukin ng iba definitely kopo nila lahat iyon?

CHIZ: Kapag ganoon Manong Joe ay dapat panghimasukan iyan ng DPWH; Sec. (Mark) Villar dahil bilang kongresman dati ay nauunawaan din naman niya iyan. Ang dapat nilang gawin sa bidding at award siguraduhin ho nilang bukas ho talaga iyon and they will really get the best prize for the part of the government.

JT: At syempre ang pinahahalagahan natin dito ay kung paaano rin ginagamit ang pondo ng tao, pondo ng gobyerno sapagkat po iyong gobyerno ay nagkakaroon ng pondo sa pamamagitan ng buwis na ibinabayad ng mga mahihirap nating mga kababayan. Mga buwis namang pinaghhirapan bago mapunta sa kamay ng gobyerno.

CHIZ: Tama ka Manong Joe, ang mas nagbabayad ng mga buwis ay iyong mga mahihirap na sumusuweldo dahil kinakaltas pa iyan bago pa naman nila matanggap. Hindi tulad ng mayaman, once every year lamang nagbabayad ng buwis at base pa sa sarili nilang deklarasyon kung magkano ang kinita nila. Hindi kamukha noong salaried employees, iyong may sweldo ay bago pa nila matanggap ang paycheck nila ay kaltas na iyong sweldo.

JT: Iyon nga po ang palaging sinasabi Senator. Kinakailangan daw na iyong buwis natin ay parehas kaya't marami ang nagtataka, paanong magiging parehas ang pangongolekta ng buwis sa mahihirap at mayaman? Syempre, nakikita mo iyong pondo na kinukolekta nilang mga buwis para maging pondo ng gobyerno ay kung hindi naman kayang ubusin agad ng gobyerno ay huwag na muna sigurong idagdag na pahirap sa mga kakabayan. Sapagkat ang apektado doon ay hindi lamang iyong mga binubuwisan. Pati na iyong chain reaction na binabanggit natin, ano ho?

CHIZ: Sang-ayon ako Manong Joe, pero ang pinanggagalingan ng ating finance official ay iyong credit ng ating bansa. Dahil kung may underspending man ang sasabihin nila, ang press release nila sa creditors natin, "aayusin namin iyan". So, kapag inayos iyan ang ibig sabihin ay kakapusin na bigla ang pondo, kailangan na nilang magpakita sa papel man lang na may bago silang buwis na kinukolekta para iyong interest rate na ipinapataw sa atin ay hindi rin naman din ganoong katas. Pero, kung iyon ang concern nila Manong Joe, pwede naman nilang sabihin na 'by 2018 kung iyan ang kinakailangan namin dahil ang underspending ay zero na ay doon kami magpapataw ng dagdag na buwis.' Iyong sinasabi nila na anim na piso Manong Joe, kung totoo iyon, kung talagang kailangan natin iyon. Hindi naman siguro kailangang isang bagsakan ang anim na piso. Puwede naman sigurong piso kada isang taon for the next six years. From the point of view ng ating crediting agency, pareho lamang po ang epekto noon Manong Joe. Mataas pa rin ang rating natin dahil may nakikita silang bagong pera na papasok sa pondo ng gobyerno.

JT: Mayroon nga pala akong ihahabol na tanong, Senator. Halimbawa iyong Excise Tax ay natuloy, halimbawa anim na piso bawat litro, iyon po bang halaga na iyon ay papatawan din po ba ng VAT iyon? Iyong madadagdag na buwis na iyon, bubuwisan ulit ng gobyerno?

CHIZ: Ang alam ko Manong Joe ay hindi kasama sa panukala nila. Bagaman hindi ko pa ho nakikita dahil wala pa po sa Senado. Hindi kasama sa panukala nila ang pagtanggal ng VAT. Ngayon po ay may Excise po at may VAT tayo. Dagdag ho iyon talaga sa ipinapataw bukod sa VAT na ipinapataw.

JT: Hinihiling ng ating mga kababayan ay alisin na iyong VAT on oil. Kasi ho ngayon bukod doon sa VAT on oil, may tax on VAT?

CHIZ: Manong Joe, malamang ang gawin nila diyan ay aalisin nila ang VAT, gagawin nilang Php12 ang idadagdag.

JT: Babawiin din ano?

CHIZ: Babawiin din ang suma-total, Manong Joe. Pero ang sinasabi nilang bawi Manong Joe hindi totoo ha kinumpyut po namin. Kung babaan nila ang income tax rate na sinasabi nilang bababaan nila at ito raw ang kapalit . Kapag binabaan po nila iyon ang mawawala po sa gobyerno ay kulang kulang Php60-B mataas na Php80-B. Pero, kung taasan nila ang Excise Tax sa oil. Kung tanggalin nila ang VAT excemption kung anong mayroon tayo. Kung patawan nila ng buwis iyong softdrinks, tsitsiirya at iba pa ang makukuha po nila ay mga Php300-B. Hindi ho yata patas iyon. Ang mawawala nasa gobyerno ay Php80-B, ang nadagdag ay Php300-B.

JT: Ang nakapagtataka dito sa mga legislators natin; mga senador at mga kongresista ay sinasabi ninyo iyon ang magiging kapalit hindi po ba iyong papalitan ay wala pa. Wala pa iyong pakinabang sa tungkol sa pagpapababa ng buwis ay ito ang kapalit na binabanggit ninyo ay mukhang mauuna pang ipatupad.

CHIZ: Mas malaki pa Manong Joe ang babalik sa atin kapag binabaan ang income tax. Iyan po ang papanindigan namin sa senado, Manong Joe. Lalo na sa parte ng Minorya sa Senado. Itong mga katanungan na ito ay lagi po naming ilalabas at pararatingin at titiyakin namin na ito maipapaliwanag ng ng tama at tapat bago ito mapagbotohan sa Senado.

JT: Iyon. Ang diperensiya nga mukha yatang uunahin ang Excise Tax kaysa dito sa sinasabi nilang – ano ho ba ito. Dapat pag-aralang mabuti ito ng mga legislators.

CHIZ: Pag-aaralan po nating mabuti iyan, Manong Joe. Pero, nais ko rin ipagbigay alam sa publiko ano mang panukalang batas na pumasa sa Kongreso kung tungkol po iyan sa dagdag buwis, bago po iyan makarating sa amin ay hindi po namin iyan namin puwedeng talakayin hangga't hind po muna iyan naipapasa ng kongreso. So, ang una po munang battleground, House of Representatives.

JT: Umaaasa po tayo kahit papaano diyan po sa kagawad ng Kamara de Representantes aba ay tingnan ninyong mabuti ang inyong mga karapatan upang matalakay ng todo iyan para sa kapakanan ng inyong mga constituents kung talagang inaalala pa nila talaga ang mga constituents nila.

CHIZ: Oo naman siguro, Manong Joe. Iyong iba siguro hindi. Pero ang karamihan, oo naman, Manong Joe.

JT: Senator, kami po ay nagpapasalamat at kami ay napagbigyan ninyong nakapanayam ngayong unang bahagi ng taon.

CHIZ: Salamat din Manong Joe at karangalan ko na makausap kayo at makapiling ang ating mga kababayan sa pamamagitan ng inyong programa, Damdaming Bayan.

JT: Mga kaibigan, inyo pong napakinggan, pahayag at paliwanag ni Senator Chiz Escudero, ang chairman ng Senator Committee on Banks, Financial Institutions, and Currencies.

<BACK>

 

 

 

Copyright 2016. ALL RIGHTS RESERVED Office of Senator Chiz Escudero