24 August 2017
INTERVIEW TRANSCRIPT
STATION: DZRH
PROGRAM: DAMDAMING BAYAN
HOST: MILKY RIGONAN

 

     
 

RIGONAN: Kahapon ay sinimulan na ng committee on banks, financial institutions and currencies ang mga alegasyon ng ill-gotten wealth kay COMELEC chairman Andres Bautista. Nasa linya natin si Senator Chiz Escudero. Senator Chiz, Magandang Umaga!

ESCUDERO: Milky, magandang umaga sa iyo at sa ating listeners, magandang umaga! Manong Joe, pagaling ka.

RIGONAN: Oo may sakit si Manong Joe pero baka next week makakasama na natin siya, Senator Chiz. Ang tanong ngayon, tuloy pa ba ang imbestigasyon ng iyong komite, committee on banks, financial institutions and currencies e na-endorso na yung impeachment complaint against Chairman Andres Bautista.

ESCUDERO: Kung ako ang tatanungin, Milky dapat ipagpaliban na ang imbestigasyon ng Senado. Subalit kokonsultahin ko pa rin yung authors ng resolusyon sina Senators Sotto at Ping (Lacson) at mga miyembro ng komite kung ano ang kanilang nais nilang gawin pero ulitin ko personally, tingin ko dapat ipagpaliban na ito.

RIGONAN: Pero ang sabi naman ng Kongreso, Senator Chiz. Alam mo naman galing ka sa Kongreso, ito ba agad-agad didinggin ng Kamara. Kakaendorso pa lang, ikakalendaryo, tatalakayin pa sa komite; committee on justice kung hindi ako nagkakamali bago umakyat sa Senado. So meron ka pang mga ilang araw bago magpatawag ulit na susunod na hearing. Pwede ba yung ganung proseso?

ESCUDERO: Oo tama yun, Milky nakailang impeachment ako, may PhD na ako diyan, ika nga…

RIGONAN: Sa dami…

ESCUDERO: Sa dami na…pero hangga't hindi naeendorso ng isang miyembro ng Kamara; basurang papel lang 'yan pero oras na-endorso na 'yan ng isang miyembro ng Kamara, dun magsisimula ang proseso at obligado ang Kamara na talakayin 'yan. Pangalawa, sang-ayon sa secrecy of bank deposits law isa sa mga sections dun ang impeachment proceedings kung saan pwedeng buksan o bulatlatin ang mga accounts ni Chairman Bautista nang wala ng hassle na tulad ng kinaharap namin kahapon kung saan valid naman, tama naman, ini-invoke lamang palagi ng mga opisyal ng bangko yung bank secrecy law. So, imbes na magkadoble-doble, may mga ibang bagay na dapat at pwedeng gawin, tingnan, imbestigahan o ipasang panukala.

RIGONAN: Pero at this point pwede na ba nating masisi ng kaunti dito ang AMLC? Kasi dapat meron nang red flag kapag ganito karami, sunod-sunod ang mga deposito. Halimbawa, isang depositor nila o depositor ng isang bangko sa kaso ni Chairman Bautista ay yung Luzon Development Bank.

ESCUDERO: Milky, hindi ko masisisi ang AMLC dahil alam ko ang sitwasyon ng AMLC. Gaya ng nasabi ko kahapon sa pagdinig, humigit kumulang tatlong milyong transaksyon kada buwan ang hihingin sa limandaang libo. Ang problema, sinusubukan namin taasan sana 'yan para kumonti-konti man lang pero 'yan ang suggestion ng FATF, ng Financial Action Task Force na para maging compliant ang bansa natin dapat 500,000 ang threshold. Ang problema tatlong milyon nga 'yan kada buwan at sa buong taon humigit kumulang tatlumpung milyong transakyon 'yon. Dalawang taon nang failed bidding at may isang taon pa yata nung panahon ni Pangulong Aquino, ni Sec. Abad, at tinanggalan pa ng project ang AMLC para sa computerization nila para magkaroon ng computerized tagging. E, hindi pa naman ho kayang gawin ng staff ng AMLC na manu-mano tingnan ang bawat isa, 3-Million per month at mag-red flag agad-agad.

RIGONAN: Sabagay, ang sabi nga nung ilang dokumento na naisumite na 'yan sa komite mo diba, Senator Chiz? Yung iba hindi umaabot sa 500,000 diba, binababaan ng kaunti.

ESCUDERO: Oo.

RIGONAN: Para hindi namomonitor din ng AMLC.

ESCUDERO: Ang obligasyon naman ay nasa bangko. Kapagka tinag 'yan as suspicious dahil sunod-sunod, mababa sa threshold or kahit mababa sa threshold kung ang laman naman ng bank account mo ay bentemil, trentamil, aba'y bigla kang nagdeposito ng apat na daang libo, suspicious parin 'yun. At ang obligasyon naman ngayon ay babagsak sa bangko para i-report 'yon pero dagdag 'yon, Milky, sa tatlong milyon kada buwan. Ang importante sa kasalukuyang sistema natin, pwede na ngayon tayo mag-back track. Once na mabuksan yung accounts ni Chairman Bautista sa proseso ng impeachment, kumpleto yung records nun. Kung ilan ang pinasok, kung kailan, magkano, nagreport ba yung bangko o hindi. All of a sudden, mabubuksan po lahat 'yon.

RIGONAN: Kahit na sarado na yung account halimbawa ni Chairman Bautista. Kasi sabi yung ilan ay luma na daw, matagal na, sarado na.

ESCUDERO: Kahit sarado na, mababack track mo parin kung inilipat lang ba ng account o inilipat ba sa ibang bangko or etcetera. At yung closed passbook account, yun na nga Milky, may passbook ka din. Nakalagay doon yung dineposito mo, yung winidraw mo, anong petsa, magkano yung interes, kumpleto 'yung datos dyan at mate-trace 'yun palagi once mabuksan na yung mga bank accounts.

RIGONAN: Sabagay, lumalabas yun sa bank statement kapag ni-request e. Pero halimbawa Senator Chiz yung komite ng committee on justice sa Kamara, simulan na itong impeachment complaint, pagdinig doon sa kaso ni Chairman Bautista ahit hindi ba siya pumirma ng waiver, automatic na mabubuksan na yung kanyang mga bank accounts?

ESCUDERO: Nakalagay sa batas mismo Milky sa Republic Act No. 1405 o Secrecy of Bank Deposit Act, isa ang mga exceptions ang impeachment proceedings. So, iyong impeachment panel ng House o hindi man iyong impeachment court pagdating sa Senado kayang ipag-utos na buksan iyan at hindi na kinakailangan ng waiver ng depositor or court order.

RIGONAN: So, automatic wala nang waiver kasi yun ang hinihiling mo kahapon ano, noong hindi pa naisasampa ang kaso iyong impeachment complaint? Tali ang kamay ng komite mo dahil kailangan niyang pumirma ng waiver, si Chairman Bautista?

ESCUDERO: Dalawang bagay Milky, kailangan niyang pumirma ng waiver bago naming mabuksan at sana suportahan ng aking mga kasamahan sa Senado at sa Kamara ang repeal ng Bank Secrecy Act.

RIGONAN: Oo, dapat isulong na iyan kapag may mga ganitong kuwestiyon ng ill-gotten wealth, hindi ba ang repeal ng Bank Secrecy Law?

ESCUDERO: Tama ka Milky at saka alam mo dalawang bansa na lamang sa mundo ang may Bank Secrecy Law; tayo at Lebanon. Hindi yata magandang rason kung kabilangan ng Pilipinas yun na tayo na lamang ang dalawang bansa na tila haven o posibleng puwedeng pagtaguan ng nakaw na yaman o perang gagamitin sa terorismo.

RIGONAN: On that note, Senator Chiz, maraming salamat!

ESCUDERO: Salamat Milky. Sa muli sa ating listeners, magandang umaga po sa inyo .

RIGONAN: Maraming salamat, Senator Chiz Escudero.###




<BACK>

 

 

 

Copyright 2016. ALL RIGHTS RESERVED Office of Senator Chiz Escudero